Popular Posts

Tuesday, November 9, 2010

Tagaktak ng Tinta

SF 4 
Kung sinasabing ang pluma ay higit ng makapangyarihan kaysa alinmang sandata, sa pluma man ay may hihigit pang makapangyarihan. Ito ay ang walang kaparis na kagandahan at kaayusan ng kalikasan.

Ilang taon lang ang lumipas ay hindi maikukubling sagana ang Pilipinas sa likas na yaman at waring ipinagmamalaki ito ng bawat Pilipino. Ngunit sa patuloy na paglawak at pagiging urbanisadong bansa ay kaabog-abog din ang pag-arangkada ng makabagong teknolohiya sa Pilipinas. Kasabay nito ang malawakang paglaganap ng mga sakuna sa bansa.

Pumuputak na ang itim na tinta sa mga puting papel. At ang mga larawa’y sunud-sunod nang lumatag upang magbigay-kulay. Nakababalisa. Nakababagot. paulit-ulit na ang pag-iimprenta, rinig na rinig ko na ang mga tipa ng kompyuter at ang malalakas na ugong ng makinilya. Subalit, hayaan na. konting oras na lamang at matatapos na ang paghihirap, sa halip ay kasaganaan naman. Ayos!

Simula pa lamang ng paglimbag hanggang mailabas at maipamahagi sa libu-libong mag-aaral ay bakas na ang kaligayahan sa kanilang mukha. Ngunit nakasisigurado bang ang aking libu-libong panitik ay tatangkilikin at babasahin ng marami? O baka naman mabulok lamang sa sulok at maluma ng panahon? Sa aking taglay na pagiging ordinaryong mamamahayag lamang, hindi malabong sibakin ako at itaboy sa malayong lugar. Pero… tse! Hindi rin lalaon at makakabangon din ako. Aangat at uusbong mula sa pagiging estrangherong manunulat. Aba! Kakambal yata ako ng mabubulaklak na kaisipan hinggil sa walang pakundangang pagsagupa ng mga sakuna at kalamidad.

Kahit na nakakainis isipin dahil sa araw-araw na ginawa ng Maykapal ay hindi ko parin mawari kung bakit napupuno ng mga saliw patungkol sa lindol, masidhing pagbaha, mga karima-rimarim na bagyo at unos at ang nakababahalang pagbulusok ng Bundok Bulusan. Nakakasawa na. Nakakapagod na. Sakit sa katawan ng aking pamahayagang pangkampus ang naidudulot ng ganitong maiinit na isyu. Kinakailangan pang mandaya para makuha ang maaaring makapagpaligaya sa kanyang sarili. Pumutol ng isang libong puno para makuha ang ninanais niyang panlutas sa magdamag na pamumuhay. Sila’y isa lamang sa isang bilyong humahangos sa gatiting na pag-asa’t pagbabago.

Marahil ako’y kanilang binabalewala. Hindi na nila ako pinapahalagahan sa oras na sila’y nangangailangan ng nakakalat na impormasyon. Sino nga ba ako para sa maraming tao, isang mangmang at walang alam? Nasasaktan ako’t naghihinagpis kapag itinataboy ng iba, pakiramdam ko’y wala na akong kwenta. Pero hindi ko dapat iyon  pagtuunan ng pansin, bagkus ay laging isaisip na… ako’y isang instrumento na nagbibigay ng malinaw na pagpapahayag.

At sa paglipas ng panahon ay patuloy na mananalaytay ang tagaktak ng aking tintang ibinuhos para makabuo ng isang pagbabago. Isang instrumentong kapag pinagsama-sama’y buo at tumpak ang diwa. Ngayon, ako ba’y maituturing pa rin na maliit at ordinaryong mamamahayag lamang? Pwes ay hindi na.

Mga Pinagkuhanan ng larawan:
http://wolfc-stock.deviantart.com/art/130-quill-and-ink-37276550?q=boost%3Apopular+quill&qo=26
http://www.armageddononline.org/images/big-disaster-list.jpg

 

No comments:

Post a Comment