Popular Posts

Tuesday, November 9, 2010

Bangungot ng Salaghati

 SF13


Tila may sumasakal na unti-unting humihigpit, nangangapa sa paligid ng makakapitan upang makaahon. Namumuti at namumutla na ang nangungulubot na labi. Nais niyang bumulyaw at pumalahaw ng tulong subalit iniuurong ng rumaragasang baha ang kanyang dila. Ilang saglit pa ay nanghihina na ang kanyang katawan at nagdidikit na ang kanyang mga talukap, wala ng lakas pang natitira.
Sunud-sunod na sigwa at unos ang napagdaanan natin. Tulad na lamang ng Bagyong Ondoy na nagsimulang manalasa noong ika-26 ng Setyembre,2009 na nagdulot ng malakas na buhos ng ulan at pagbugso ng hangin na naging daan upang mga tahanan ay mawasak, milyun-milyong halaga ng pananim ang masalanta at higit sa lahat ay ang mga inosenteng buhay na kinitil sa isang iglap lamang. Kaliwa’t kanan ang buntunan ng sisi dahil sa pag-ako ng kakulangan, dawit maging mga prominenteng pangalan sa pulitika. Kung ibinaling lamang natin ang ating sarili sa mga tinig na bahagyang nakabusal, marahil ay hindi tayo hahantong sa sitwasyong ito.
Gamit ang pluma at papel, may kakayahan ang mamahayag na magbigay ng kaalaman kung paano malalampsan ang mga sitwasyong kahaharapin. Kaya nitong pabulaanan na ang lahat ay pakikipagsapalaran lamang at ang tunay na kahulugan nito ay pagpusta ng sariling buhay kay kamatayan. Ito ang bubulong sa budhi ng bawat isa sa pamamagitan ng ating durungawan, ang mga mata. Sa bawat paglapat ng pluma, ikinikintal nito sa isipan na marapat na maging handa sa anumang nagbabadyang sakuna. Ipinawawatas ng bawat titik ang mga hakbang na dapat sundin tungo sa kaligtasan. At ito rin ang magpapatatap na ang ganti ng pagpuyos ng galit ng Inang Kalikasan ay walang kinikilala, marangya man o maralita, may-edad na o musmos pa lamang kaya’t mabuting umiwas na lamang at huwag ng subukang suungin pa. Kaakibat ng isang mamahayag ang isang responsibilidad sa kadahilang sa bawat pagbitiw ng salita, nakasalalay sa palad ang buhay ng mamamayan.
Minsan na tayong namanglaw sa karimlan. Ninais natin na minsan ay lumugmok na lamang at hintayin ang kahahantungan natin. Nakadama tayo ng pagkadusta sa lugaming dulot ng mapaglarong buhay. Muli tayong makakabangon, masisilayan natin ang parating na bukang liwayway pagkatapos ng pagsibsib ng araw pati na ang balangaw at pito nitong kulay sapagkat itong bangungot ng salaghati na nagbunga ng pusong naluray sa hilahil ay magsisilbing alaala at paalala upang itama ang mga kamalian natin.

Source: http://tl.wikipedia.org/wiki/Bagyong_Ondoy
https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiW2F1yUp71NWx-Kfdec4qUWtMVLucZBWhvI1MbmwgePotjwFdkQHrp9bRahYWXfd3acpDDWroYcMG3FkcU28FWJ12dfX0MozjNXlIoPvBYsU2dgTNr10yOpOV7noP1f2Ji54QFGBuSQ3Y/s400/bagyong+ondoy+philippines.jpg

 

No comments:

Post a Comment