Iyan ang mga bagay na may taglay na ‘di matinag na ugnayan sa bawat isa kahit na sa paglipas ng mahabang panahon. Walang makapipigil. Walang katapusan.
Kinikilala ang ating bansa na isang pulo ng walang kapantay na yaman. Ayon sa ating mga kapatid na kanlungan din ang kontinente ng Asya, ang para sana sa kanila ay atin na ring tinatamasa. Tagtuyot. Tag-ulan. Iyan lang ang maaari mong madama sa buong taon. Sa kabila ng lahat ng kagandahang nabanggit, may panganib ditong nakakabit. Lindol. Baha. Landslide. Ilan lang iyan sa mga katagang may hatid na mga mapapait na alaala sa nakaraan.
Bawat panahon na nagdaraan, mga sakuna’y wala na yatang katapusan. Bawat taon, lima sa dalawampu’t dalawang mapaminsalang bagyo ang sa puso nati’y bumabaon. Tuwing ika-anim na taon, mga malalakas na lindol ang sa ating mga pangarap ay namumutol. Kung iyong maalala, ilang bulkan na rin ang dahilan ng sanlibong kasawian. Ang Pinatubo ng Zambales, tahimik ngunit nang nagngalit, lahat ay hindi nakakapit kaya kamatayan ang sinapit. Kung inyo ring matatandaan, pati Visayas, sa Ormoc, ilan ang nawalan ng tirahan dahil rin sa kawalan ng kahandaan at kamalayan. Paulit-ulit na lang ba ang ating masasapit? Kailan sa ating mga isip mawawaglit ang mga alaalang kay sakit?
Sa aking malaya at musmos na isipan, saksi ang ating mga mata sa ganitong mga larawan. Kabataan. Mamamahayag. Mamamayan. Lahat sa mga katauhang iyan ako ay may pananagutan. Bilang isang kabataan, tungkulin ko na makiisa sa mga gawaing pampamayanan sa pagliligtas ng kalikasan. Bilang isang mamamayan, isa akong kakampi sa pagsasagawa ng pananagutan. Higit sa lahat, pinakamabigat ang aking katungkulan, isang batang mamahayag.
Nakapaloob sa Artikulo 19 ng Universal Declaration of Human Rights ang aking karapatan. Magbigay. Humanap. Tumanggap. Iyan ang aking karapatan sa bawat impormasyon. Mata. Isip. Pluma. Puso. Iyan ang mga bagay na kadikit na ng aking buhay. Ang aking matatalas na mata upang ang madla ay makakita. Ang aking isip upang ang mga nagaganap ay malirip. Ang pluma ang aking tinig upang ang katotohanan ang siyang manaig. Ang puso ang aking pantukoy sa bawat pangyayari na bumubugso.
Katatapos lamang, hagupit ni Juan ang ating natikman. Dahil sa kagalakan, ayon kay P-Noy, naipakita na raw ang lubos na kahandaan dahil ang alaala ni Ondoy ay ayaw nang balikan. Sa kabila nito, batikos pa rin ang kanyang inabutan. Sa ganitong kaganapan, pamamahayag ang matibay na sandigan. Dahil rito, kahit isang batang mamamahayag, mabigat na rin ang pinapasan.
Sa bawat sakuna, hindi maaaring hindi ako mapilitang gamitin ang mga taglay kong sandata. Anuman ang suungin, dapat ang lahat ng makakaya ay gawin. Tips. Impormasyon. Datos. Pahayag. Iyan ang sa mga tao ay ihandog. Sa bawat titik na iuukit, katotohanan lang ang nasasambit. Sa bawat babala, pagbibigay ng impormasyon ang inaabala. Sa pagpatak ng ulan, mga tao ay mahigpit na pinaalalahanan. Hindi na sila hiihikayat na magpatuloy sa pupuntahan. Higit sa lahat, pagbibigay ng tamang datos ang aking pinahahalagahan.Ilan lang iyan sa mga gawaing aking pinag-uukulan. Hindi man sa mga kilalang pahayagan mailalathala ang aking mga gawain, nais nitong makisa sa malaking hakbangin.
Sa isang mamahayag, hindi ko man kayang baguhin ang mga kaganapan. Ang mga masasamang dulot nito ang aking dapat antabayanan. Dapat ay maging kaagapay ko kahit na taglay nila ang 'di matinag na ugnayan. Ang kalikasan ang aking dapat maunawaan. Ang mga tao ang aking pangalagaan at paglingkuran. Ang panahon ang aking babantayan at pag-aaralan. Sa sakuna, isang batang mamamahayag ang maaasahan at mapagkakatiwalaan sa tuwina. Sa aming pagkakapit-kapit, mga alaalang kay pait ay maaari nang maiwaglit.
No comments:
Post a Comment