Popular Posts

Tuesday, November 9, 2010

Ibong may Panulat

                                                                                                                                                         SF 11




            ‘At sinabi ng Diyos, lalangin natin ang tao sa kanyang larawan ayon sa wangis at magkaroon ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop at sa buong lupa at sa bawat umuusad na nagsisiusad sa ibabaw ng lupa”

Tayong mga alagad ni Juan Dela Cruz ay naatasang panatilihin ang ang magandang himig ng ating Inang Kalikasan. Ang mapangalagaan ang masasayang tinig ng mga puno’t halaman.
Sa patuloy na takbo ng panahon, iba’t-ibang pangyayari ang nagaganap ng hayagan. Dahilan upang untiang maglaho ang mahalimuyak na kulay  ng ating kapaligiran.


BAGYO! BAHA! … pawang ilan lamang sa mga matinding delubyong ating nararanasan.Ilang buhay na ba ang nawasak? Ilang luha ng bayan na ba ang ating nasilayan?Tulad na lamang ng ilang ulat balita ng PAGASA, ilang  bagyo pa ang inaasahang hahagupit sa bansa bago matapos ang taon. Ulat na tila nakakaalarma sa bawat musmos na kaisipan. Hindi din lingid sa ating kaalaman ang sagitsit ng nakakasindak na sigaw ng mga baha. Tulad ng ilang bahagi ng Cagayan, Isabela, Kalinga at Aurora na lumubog sa baha at tinayang 11 katao ang namatay . Mga delibyong gumigising sa mga natutulog nating diwang makabayan.

            Tayong mga nilalang din ang magbibigay tugon sa laganap na ganti ng kalikasan na nangangailangan ng matinding kasagutan.Sa simpleng kaisipan magmumula ang katotohang ang bawat sakuna ay hindi maiiwasan ngunit ito ay mapaghahandaan.
            Bilang kabataang may maliit na tinig, marami tayong magagawa upang maging handa sa bawat nagbabadyang unos na maaaninag.
            >Maging bukas ang isipan sa mga pagbabagong nagaganap sa kapaligiran.
            >Mga puno sa kagubatan ay muling bigyang buhay.
            >Maging gising sa mga programang ipinatutupad upang maging handa sa pakikibaka sa mga unos ng lipunan.

            >Magkaroon ng limitasyon sa paggamit ng mga produkdong nagiging sanhi ng global warming.

            > Maging mulat ang kaisipan sa mga ulat panahon na makadaragdag sa simpleng hakbang ng kahandaan.

…mga gawaing magagawa ko.. at mabibigyang tinig ng pinagsama-samang  yapak ng mga alagad ng Kalikasan.

            Puno man ng kamusmusan ang diwa ng ilan sa’ting mga Pilipino, ang mga panimulaing ito ay tila mga gabay lamang na marapat bigyang kulay. Ang simpleng tinig ay maaaring maging isang  ibong nasa gitna ng kalayaang makapaghatid ng makabagong panulat ng kasaysayang tutugon sa anumang tawag ng panahon.

            Ako, Ikaw… Tayong nakalatag sa Perlas ng ating bayang sinilangan ay magsimula ng magkapit-bisig. Halina at malawakang paliparin ang Ibong may Panulat.






Sources:

www.abs-cbn news.com





Agap Sagip sa Panganib

SF10

        Ang mundo’y ginawa ni Bathala na kawangis ng isang dilag na kay yumi at kahalihalina ngunit sa karikitan niyang taglay ay napapaloob ang isang bitag na tila leon kung pumaslang.

        Buhay ay isang regalo at pagpapala na kaloob ng Maykapal na labis nating pinag-iingatan at pinagyayaman. Natanong mo na ba sa sarili mo ang mga tanong na, “Handa na ba ako mamatay?”, “Sa langit ba ang aking kahihinatnan?” o “Sa paanong paraan kaya malalagot ang aking paghinga?”.
        
        Kahit anong oras, kahit sino o kahit saan, walang pinipili ang panganib. Sa oras na ikaw ang tinadhana, wala ka nang magagawa kundi maging isang inosenteng biktima. Ngunit hahayaan mo bang mawalang parang bula ang iyong buhay na inalagaan mula pa noong ika’y masikatan ng dakilang araw. Pagsubok ba ito? O sadyang hagupit at ganti ni Inang Kalikasan? Sino ba ang may kasalanan? Sino ba ang dapat magbayad? Sino ang may ‘K’ na tumulong sa ating lahat sa oras ng kalamidad?



Ang Makabagong Jose Rizal ng Lipunan

        “Ang pluma ay mas magiting kaysa espada” – Anonimo

        Subok na ng panahon, ang pluma ay isang sandatang di nakakasugat ngunit tagos hanggang sa buto kung makasakit. Si Gat Jose Protacio Rizal Mercado y Ayala Realonda o mas bantog sa ngalan na Dr. Jose Rizal, ay isang perpektong ehemplo ng mga bayaning nakipagbakbakan gamit ang isip at pluma. Batay sa isang artikulong inilathala ng Wikipedia (http://tl.wikipedia.org/wiki/Jos%C3%A9_Rizal) , si Rizal ay naglimbag ng kanyang mga akda na lumalaban at kumekwestiyon sa pamamahala ng maharlikang Espanya. Ang mga akdang ito’y nagsilbing mga baril na tagusang tumama sa mga palalong mananakop na nagpahirap sa bansa sa loob ng 377 na taon. 

        Ang mga makabagong Jose Rizal ng bansa, ang mga mamamahayag, ay ang nagsisiwalat ng katotohanan at naglilinang sa buong madla sa mga kaganap sa buong kapuluan. Sila ay mayroong mga katungkulan sa paghahanda sa sakuna at sigwa upang mapaglabanan ng sangkatauhan ang ganti ni Iang Kalikasan. Ang mga ito ay ang mga sumusunod:



    •       Paghahatid ng mga pinakasariwang balita sa lipunan patungkol sa mga papalapit na sakuna o kalamidad. Isang trabaho ng isang mamamahayag na diseminahin ang mga inpormasyon kaugnay sa mga balitang tulag ng storm signal, lakas ng bagyo, mga lugar na tatamaan at ang mga pinsalang maaaring maidulot nito upang makapaghanda ang mga tao. 

    •       Pagbibigay babala sa masa patungkol sa panganib na maaaring mangyari sa oras ng kalamidad. Isang malaking tulong na maaaring maiambag ng isang mamamahayag ang simpleng pagpapakalat ng mga babala na pawang katotohanan lamang. Sa pamamagitan nito, lalo pang magiging wais ang tao patungkol sa papalapit na delubyo.
    •       Pagbabalita ng mga pagbabago sa mga susunod na oras bago humagupit ang isang trahedya o delubyo. Malaki ang maitutulong ng pagbabalita ng mga pagbabago sa isang lugar. Kung isang malupit na bagyo ang parating, sisiguraduhin ng mga mamamahayag na makapagbalita ng mga pagbabago patungkol sa posisyon, lakas, bilis at direksyon ng bagyo. Dahil dito, mas lalong maaalarma ang mga tao kaugnay sa maaaring mangyari sa kanila kung sakaling sa lugar nila ito mangyari.
    •      Paglalathala ng mga impormasyon kaugnay sa mga natigil na byahe sa dagat, himapapwid at sa lupa. Isang importanteng bagay lalo na sa mga taong paalis, palabas o papasok sa isang lugar na malaman kung ang seguridad at kaligtasan nila aywala sa bingit ng kamatayan. Mainam na makipagtulungan ang mga mamamahayag sa mga kinauukulan para makakalap ng mga impormasyon ukol sa mga natigil na paliparan at biyahe.
    •     Pagtulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga tips kung paano maghanda bago dumating o mangyari ang isang panganib. Isang napakalaking tulong sa mga tao kung ang mga mamamahayag ang magbibigay ng mga tip kung paano sila makakapaghanda sa isang sakuna dahil ang mga mamamahayag ang pinakalapit sa lahat lalo na sa pamamagitan ng mga pahayagan, telebisyon, internet o maging sa radyo.
    •        Pagkikipag ugnayan sa pamahalaan.  Kung hindi kyang gawin ng mga normal na tao na humingi ng tulong sa mga kinauukulan, ang mga mamamahayag ang handang tumulong at sumaklolo sa mga istasyon ng pulisya, bumbero, pulisya o maging sa angkop na sangay ng pamahaalan alang-alang sa mga taong maaaring maipit sa sakuna.
     
            Hindi lamang gobyerno ang may ‘K’ na tumulong sa mga taong hindi alam kung ano ang gagawin bago humagupit ang isang trahedya o sakuna. Upang mapaglabanan ang sigwa, kailangan ang pananalig sa Poong Maykapal dahil siya ang magbibigay kapangyarihan sa iyo upang mailigtas ang sarili. Kailangan ng sariling sikap dahil sa ikaw lamang ang kikilos at hindi ang iba. Syempre ang tulong ng iba katulad ng sa pamahalaan at sa mamamahayag.
            
            Kung mahal mo ang regalo sa iyo ng Panginoon, ang iyong buhay. Sasagipin mo pa ba ang sarili mo kung alam mong maaari ka pa namang tumakas?
            
            Kahit saan, kahit kailan o kahit sino, walang pinipili ang trahedya kung kumitil kaya upang mapaglabanan ito ay kailangan mo ng pananggala at baluti laban sa kapahamakan.


    Mga Pinagkuhanan:

    www.chemonics.com/projects/Finalreports/
    http://www.lib.csusb.edu/gov/govdoc.cfm

    May Pag-asa sa aking Pluma at Papel

                                                                                                                                                        SF9


    “Puno  ng hiwaga at ganda ang bansang aking nasilayan”.May buhay …may ngiti..may yamang maipagmamalaki..


    Ang pluma ko ay muli na namang sumusulat. Tila may nais ipahiwatig. Wari’y nais makalaya sa matagal na panahong pgkakabihag sa kanya sa loob ng kanyang silungan. Ako ang nagsimula. Sa pamamagitan ng aking malikhaing mga kamay.Siya ay nakalaya.


    Isa akong simpleng mamamayan sa bansang aking iniirog. Nangarap ng isang buhay na malaya at malayo sa kaguluhan at karahasan subalit heto ako ngayon patuloy na umaasa na sa aking pagsuusulat ay mararamdaman ng mapangapi ang aming hinaing.”Kailan pa ?”Makatatayo pa ba ako mula sa aking pagkakasadlak?

    Nagsimula akong maglakbay sa bayang aking kinagisnan. Naghahanap ng kasagutan sa mga tanong na tumatak at naiwang walang kasagutan sa aking isipan.Ngunit sa muling paghakbang ng aking mga paa.Ano itong aking nasilayan?Nakakapanlumo.Nakakapanghina.”Anong nangyari? Bakit nagkaganito? Nasaan na hiwaga? Nagtatago sa dilim o marahil ay nadala ng hagupit ng hangin.

    Patuloy akong naglakad at nagmasid sa paligid. Sa aking dakong kanan ay napansin ko ang tila malungkot na imahe ni Inang kalikasan,malungkot.Humihingi siya ng tulong. Nahanap ko na ang kasagutan.Ako ang  kasagutan kaagapay ang aking lapis at papel. Ako ang magsisimula ng pagkilos .Katarungan.Hustiya.Patuloy sa pagsigaw.Paulit-ulit.Ngunit ang iba'y tila tengang-kawali.Walang naririnig.Madilim.Walan liwanag.Walang nakikita.



    Abusadong mga nilalang. Walang awang mga mamamayan. Malupit ang ganti ng kalikasan. Wala na ang mga luntiang puno. Naglaho na ang mga nagsisaawit na mga ibon sa himpapawid. Ang mga masasayang halaman ay dahan-dahan ng inaanod ng mga baha. Marami ng buhay ang nakitil.Nakakaawa.Bansang tila pinagkaitan ng kasiyahan. Bayang sadlak sa unos at kalamidad.”Kailan tayo kikilos at magsisimula?.Bukas?hihintayin pa ba nating lamunin tayo ng marahas na daigdig?.




     “Nasa Diyos ang awa nasa tao ang gawa.”Isang kasabihan.Siya ang ating pag-asa. Ngunit kailangan pa rin nating kumilos para sa tagumpay.Nasaan na ang sinasasbing maaasahang pamahaalaan? Natatago? Marahil  sa pagdaan ng panahon ay may nagfing paglilos na an gating pamahalaan,ngunit sapat naba ito?Hindi

    Kaya heto ako ngayon,patuloy sa aking pagsusulat.Ang mga katulad kong mamahayag  ang magiging daan tungo sa pagbabago at muling pag-ganda ng ating Inang Bayan.Sa aking pagsusulat at pagsaslita ay patuloy na malalaman ng mga ordinaryong mamamayan ang mga kaganapan at maaring mangyari sa ating bayan.Sa pamamgitan ng mga programa ay unti-unting manunumbalik ang kulay at sigla ni Inang Kalikasan.Madadagdagan ang mga puno. Muling await at sasabay sa indayog ng hangin ang mga ibon.Hahaba na ang buhay nating mga nilalang.Mababaweasan ang panganib. Paalam unos at sakuna.Wala na ang pilay.Tatayo na kami.Lalaban at kikilos na kami.Nasilayan ko na ang liwanag.Sa wakas.


      

    Disiplinadong mamahayag. May tungkulin at responsibilidad hindi lamang sa sarili bagkus ay sa kapwa at sa bayan.Ako ang magsisimula. Mula sa aking papel at pluma ay sisimulan nating kumilos.Tama. .Patuloy ako sa aking paglalakad.Tuwid hindi na ako nanghihina.May ngiti na sa labi ni Inang kalikasan.Ginhawa.Ako ang simula. “Nasa mga kamay ko na ang pag-asa,kikilos ako sa pamam agitan ng pluma at papel”. "May Pag-asa sa aking pluma at papel"ang aking nasambit.


    Mga Pinagkunan ng mga larawan:

     








    Panulat at Tinta

    SF14

    Libo-libong buhay ang winakasan, milyon-milyong ari-arian Ilan lamang ito sa kadalasang mababasa natin sa pahayagan, maririnig sa radyo, at mapapanood sa telebisyon tuwing may sakunang hahagupit sa bansa gaya ng mga bagyo.
    Buhat sa kakulangan ng mga makabagong instrumento, ang pagbibigay ng balita sa taumbayan ay naaantala. Ang ganitong senaryo ay tipikal na lamang na nararanasan.

    Subalit sa makabagong panahon ay hindi lang naman makabagong teknolohiya ang maaaring magamit. Isa sa pinakamahalagang sangkap upang maipabatid sa taumbayan ang balita ay ang pagkakaroon ng responsible at produktibong  pamamahayag.

    Napakalaki ng papel na ginagampanan ng media lalo na sa panahon ng mga kalamidad. Sila ang may kakayahang ipaabot sa taumbabayan anuman ang lagay ng bansa. Magagawa rin nilang sumagip ng buhay ng nasa panganib , sa aspeto ng pagbabalita.

    Sa pangkasalukuyang henerasyon ay napakahalaga ng pagkakaroon ng kolaborasyon ng bawat mamamayan. Isang matibay na sandata rin ang pagkakaroon ng mga kabataang mamamahayag upang maipagbigay alam sa mga tao ang mga nangyayari sa bayan.

    Sa panahon ng sakuna ay lubusang kinakailangan ng mga responsableng mamamahayag. Hindi lamang mga nakatatanda, bagkus maging ang mga kabataang mamamahayag. Hindi man nila aktwal na nasasaksihan ang mismong pangyayari, sa simpleng paglalathala sa pahayagan ng kanilang paaralan ng mga ulat ukol sa mga kalamidad na nananalasa sa bansa ay nakatutulong na sila ng malaki sa lipunan. Ito ay sa kadahilanang ang mga kabataan ay karaniwang walang interes sa pagbabasa ng mga naglalakihang dyaryo na naglipana na sa bansa.

    Ang papel na maaaring gampanan ng mga kabataang mamamahayag ay hindi nagtatapos sa pagbabalita, maaari rin naman silang lumikha ng mga sanaysay, tula, maikling kwento, kanta o iba pang mga uri ng genre na may moral na aral na makapagbubukas sa isipan ng mga mag-aaral sa makabatang pamamaraan na maging masiyasat sa paligid.

    Kapag hindi handa ang mga tao sa kahit anumang mga kalamidad, hindi maiiwasan na may mawasak na mga buhay, gayundin ang pagkasira ng mga pagkabuhayan ng mga tao lalo na sa aspeto ng agrikultura at pangingisda. At bunga nito, ang pondong nakalaan para sa mga kalamidad ay hindi na nakakayanang makatugon sa pangangailangan ng mga taong biktima nito.


    Ang mga kabataan sa bagong henerasyon ay may magagawa upang iligtas ang kanilang mga kababayan sa pamamagitan ng matalinong paggamit ng panulat at tinta. 


    Bangungot ng Salaghati

     SF13


    Tila may sumasakal na unti-unting humihigpit, nangangapa sa paligid ng makakapitan upang makaahon. Namumuti at namumutla na ang nangungulubot na labi. Nais niyang bumulyaw at pumalahaw ng tulong subalit iniuurong ng rumaragasang baha ang kanyang dila. Ilang saglit pa ay nanghihina na ang kanyang katawan at nagdidikit na ang kanyang mga talukap, wala ng lakas pang natitira.
    Sunud-sunod na sigwa at unos ang napagdaanan natin. Tulad na lamang ng Bagyong Ondoy na nagsimulang manalasa noong ika-26 ng Setyembre,2009 na nagdulot ng malakas na buhos ng ulan at pagbugso ng hangin na naging daan upang mga tahanan ay mawasak, milyun-milyong halaga ng pananim ang masalanta at higit sa lahat ay ang mga inosenteng buhay na kinitil sa isang iglap lamang. Kaliwa’t kanan ang buntunan ng sisi dahil sa pag-ako ng kakulangan, dawit maging mga prominenteng pangalan sa pulitika. Kung ibinaling lamang natin ang ating sarili sa mga tinig na bahagyang nakabusal, marahil ay hindi tayo hahantong sa sitwasyong ito.
    Gamit ang pluma at papel, may kakayahan ang mamahayag na magbigay ng kaalaman kung paano malalampsan ang mga sitwasyong kahaharapin. Kaya nitong pabulaanan na ang lahat ay pakikipagsapalaran lamang at ang tunay na kahulugan nito ay pagpusta ng sariling buhay kay kamatayan. Ito ang bubulong sa budhi ng bawat isa sa pamamagitan ng ating durungawan, ang mga mata. Sa bawat paglapat ng pluma, ikinikintal nito sa isipan na marapat na maging handa sa anumang nagbabadyang sakuna. Ipinawawatas ng bawat titik ang mga hakbang na dapat sundin tungo sa kaligtasan. At ito rin ang magpapatatap na ang ganti ng pagpuyos ng galit ng Inang Kalikasan ay walang kinikilala, marangya man o maralita, may-edad na o musmos pa lamang kaya’t mabuting umiwas na lamang at huwag ng subukang suungin pa. Kaakibat ng isang mamahayag ang isang responsibilidad sa kadahilang sa bawat pagbitiw ng salita, nakasalalay sa palad ang buhay ng mamamayan.
    Minsan na tayong namanglaw sa karimlan. Ninais natin na minsan ay lumugmok na lamang at hintayin ang kahahantungan natin. Nakadama tayo ng pagkadusta sa lugaming dulot ng mapaglarong buhay. Muli tayong makakabangon, masisilayan natin ang parating na bukang liwayway pagkatapos ng pagsibsib ng araw pati na ang balangaw at pito nitong kulay sapagkat itong bangungot ng salaghati na nagbunga ng pusong naluray sa hilahil ay magsisilbing alaala at paalala upang itama ang mga kamalian natin.

    Source: http://tl.wikipedia.org/wiki/Bagyong_Ondoy
    https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEiW2F1yUp71NWx-Kfdec4qUWtMVLucZBWhvI1MbmwgePotjwFdkQHrp9bRahYWXfd3acpDDWroYcMG3FkcU28FWJ12dfX0MozjNXlIoPvBYsU2dgTNr10yOpOV7noP1f2Ji54QFGBuSQ3Y/s400/bagyong+ondoy+philippines.jpg

     

    Simple man at maliit may magagawa

                                                                                                                                                                 SF6

    Lumalala na ang krisis dito sa Pilipinas. Krisis sa ekonomiya ang pinakauna sa lahat ngunit bakit hindi natin pansinin ang ibang pang problemang pinagdadaanan ng ating bansa.Mga bagay na dapat sana ay mas binibigyan ng pansin ng ating pamahalaan mas lalong tayong mga pilipino na higit na maaaring maapektuhan nito.
                  
     Bagyo,lindol,sunog …ilan lamang iyan sa mga sakunang  atin nang napagdaan ngayong taon na ito at sa mga nagdaan pang mga panahon. Ito rin yung mga bagay na inaakala nating hindi gaanong  makaapekto sa ating lipunan higit sa ating papaunlad na ekononiya.
                  
      Ayon sa ulat ng  Citizens’ Disaster Response Center (CDRC) noong taong 2009, ang Pilipinas ang pinakauna sa listahan ng  mga bansa na madalas tamaan ng kalamidad sa mundo. Dagdag pa , ang ating bansa ang pumapangalawa sa top 10 na bansangng  mga nakaraang kalamidad at tinatayang  13.6 milyong katao noong 2009 ang nasalanta. Sumunod tayo sa  Tsina na may 68.7 milyong katao ang naapektuhan. Isang malinaw na katibayan ito na higit na delikado ang ating bansa na maaring maging peklat ng ating bansa.
      Kaya bilang isang hamon sa ating mga kabataang mamamahayag  tulad ko, “paano ako makakatulong  sa lipunan upang bumaba sa listahan ang Pilipinas sa hanay ng mga bansang pinakaapektado ng mga  natural na sakuna?” Sabi nga hindi mo maaaring maiwasan ang pagdating ng mga pagsubok sa ating bansa  tulad ng mga kalamidad ngunit maaring mabawasan ang epekto nito sa ating mga pilipino.

                  
      PLUMA,PAPEL AT MEDYA,simple mang maituturing ang mga iyan ay sandata paring maaaring makatulong sa paglutas nito.Sa pamamagitan ng mga bagay na ito ay maiiwasan natin ang posibleng kalamidad na dumating sa ating bansa lalo sa ating lipunan. Ito na rin ang kasagutan sa ating mga katanungan.
                    
     Sa simpleng paggamit ng mga ito ay maaring maipahayag ang mga dapat malaman ng mga tao sa bansa. Makakapagbigay rin ito ng mga maagang impormasyon at mga kailangang gawin ng isang pilipino  bago pa man dumating o sumalanta ang anumang kalamidad dito sa ating bansa gayundin sa buong mundo na maaaring maapektuhan upang maging handa tayo sa maaaring mangyari .
                  
      Kaya kahit sabihin mang payak ang mga ito ay malaking tulong ito sa ating bansa kasama ang mga medya, lalo ang mga mamamahayag  na may tungkuling iparating sa inyo ang inyong dapat malaman sa pang araw-araw  nating pamumuhay at higit sa lahat ay ang kooperasyon ng bawat tao sa isang komunidad o bansa.#
                                                                                                                                                  

    May Bukas Pa

    SF2
    Marami ang naniniwalang ang mga natural na kalamidad ay mga hindi maiiwasang pangyayari. Ang pag-aalimpuyo ng dagat ay natural lang na maganap at nangyayari  sa iba’t ibang dako sa daigdig. Marami rin ang nag-aakalang ang mga kalamidad ay hampas ng langit, bilang pagpapa-alaala o pagpaparusa ng Panginoon sa mga nakalilimot at nagmamalabis ng mga nilalang.
    Tunay ngang ang mga natural na kalamidad gaya ng bagyo, pagputok ng bulkan,  bagyo, baha, lindol ay hindi maiiwasan, ngunit maaari natin itong mapagaan sa iba pang mga paraan
    Ang Pagsalanta ng mga Bagyo sa Pilipinas
    Ang mga kalunus-lunos na pagbaha na dulot ng bagyong Ondoy, at ng iba pang malalakas at humahaginit na bagyong nanalasa sa ating bansa ay mga kalamidad na di maaaring iwasan. Mga bagyong hindi lamang sumira ng mga pananim  mga gusali at iba pang straktura, kundi kumitil din sa maraming buhay, gayunpaman ang pinsalang dulot ng ganitong mga kalamidad ay maaring mapagaan kung matututuhan lamang nating gawin ang mga bagay na nararapat.
    Ang Bagyong Ondoy ay naminsala noong ika-26 ng Disyembre 2009 na nagdulot ng malakas na pag-ulan at baha sa kalakhang Maynila at sa iba pang karatig pook nito. Makalipas lamang ang siyam na oras ay nagbaha na sa iba’t ibang lugar at nag-iwan ng 288 mga taong nasawi isama na rin ang pagkawasak ng kanilang mga tahanan.
    Makikita  pa rin ang bakas ng nagdaang kalamidad hindi lamang sa mga putik sa mga bahay, na nagsisilbing tanda kung gaano kataas ang tubig-baha noon. Sa mukha at reaksiyon ng mga nakaligtas sa trahedya, bakas pa rin ang takot at pagkabalisa sa  kanila. Ayon kay Corazon Austral, isang ginang na may anim na anak, “idinadaan na lamang (nila) sa dasal” ang mga pangyayari, dahil mula nang matapos ang trahedya noon, walang malinaw na plano ang gobyerno kung paano haharapin ang mga darating pang kalamidad. 
    Taun-taon ay sinasalanta tayo ng malalakas na bagyo. Taun-taon marami ang namamatay, marami ang nasususgatan, maraming nawawasak. Ngunit mayroon pa kaya tayong magagawa upang mapigilan ang ganitong uri ng mga unos? Sa palagay ko’y wala, dahil kung mayroon ay maaaring hindi na tayo nagtitiis sa ganitong uri ng kalagayan. Oo’t mayroong mga programa ang pamahalaan ukol ditto, ngunit hindi ba’t panandalian lamang ito? Parang tapal-tapal, na pagagaanin ang pakiramdam mo sa umpisa, ngunit babalik at babalik ang sakit.
    Sa Pagputok ng Bulkan
    Bumuhos ang itim na hangin sa napakagandang pook sa paanan ng bulkan. Maraming nasalanta, marami ang namatay.
    Ang pagputok ng Bulkang Pinatubo nong Hunyo 1991, matapos ang ilang taon ng oananahimik, ay lumikha ng pinakamarahas at pinakamalakas na pagputok sa ika-20 siglo. Nagkaroon ng matagumpay na prediksyion ukol ditto, kaya’t maraming tao ang naisalba ang kani-kanilang buhay, datapwat marami pa rin ang nawasak na mga ari-arian, bahay, istruktura dahil sa pyroclastic flow, mga deposito ng abo, at sa kalunan mga lahar na sanhi ng tubig-ulan na muling ginagalaw ang mga naunang mga deposito ng bulkan. Libo-libong mga bahay ang nasira.

    Patuloy na walang malasakit ang nakararaming Pilipino na mapabuti at masugpo ang mga dahilan ng labis na pamiminsala ng mga natural na kalamidad. Ang bundok ay patuloy na nakakalbo dahil sa walang habas na pamumutol ng kahoy ng mga loggers, walang programa para sa muling pagtatanim reforestration program”, patuloy na nababahaw ang mga ilog, at sapa, dahil ginagawang tapunan ng basura, at tinatayuan ng bahay ng mga iskwaters. Napakarami na ng mga mababahong estero hindi lamang sa mga siyudad, kundi gayundin sa mga bayan-bayan. Pag umulan ay wala nang daluyan ang tubig kaya pag bumuhos ang ulan, tiyak na magkakaroon ng baha.
    Earthquake Drill na Isinasagawa Ngayon
    Isinagawa ang Earthquake Drill sa mga pampublikong paralan upang mapaghandaan ang mga kalamidad lalong higit ang lindol.
    Ang nasabing drill ay dinaluhan ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod na nag-oopisina malapit sa City Plaza kasama ang City College of Calapan at mga karatig opisina. Doon ay mayroong sitwasyon o scenario na inilahad sa mga partisipante na susundin sa kabuoan ng drill. Hudyat ng pagsisimula ng lindol ang paghuni ng mga sirena ng bumbero at ambulansya. Sa oras na iyon ay kinakailangang makita ang wastong kaalaman ng mga nakararanas ng kalamidad at sinubukan din ang mga rescuers kung paano nila tutugunan ang mga biktima.
    Ito ay mas nakatutulong upang higit pang maiwasan ang pagbububwis ng buhay sa mismong kalamidad.
    Ang isang katakut-takot na pagyanig ng lupa ay nangyari sa Chile. Niyanig ng isang 8.8 magnitude na lindol ang Chile bandang 3:34 ng umaga ng February 27 (2:34PM, February 27, MNL Time). Ang lindol na tumagal ng halos tatlong minuto ay sumentro sa Lungsod ng Concepcion, ang pangalawa sa pinakamalaking lungsod sa Chile. Nagkaroon din ng tsunami na umabot sa taas na walong talampakan sa Valparaiso, Chile. Nagbigay din ng babala sa limampu’t tatlong bansa na maaaring tamaan ng tsunami na bunsod ng pagyanig.
    Ito ang pangalawang sa pinakamalakas na lindol sa bansang Chile. Niyanig din ang halos kaparehong lugar noong 1960 na may lakas na 9.5, ito ang pinakamalakas na lindol na naitala sa kasaysayan. Ang pagyanig ngayon limangdaang beses na mas malakas sa lindol na naganap kamakailan sa Haiti.
    Mga Epekto ng Paglindol
    Sa sobrang lakas ng pagyanig, pinaikli nito ang haba ng araw ng 1.26 maykrosegundo at ginalaw nito ang aksis ng mundo ng 3 pulgada o 2.7 milyarcsegundo. Ang huling beses na umikli ang haba ng araw ay matapos ang 9.1 magnitude na pagyanig na nagbunsod sa 2004 Indian Ocean Tsunami.
    Ilang mga gusali sa Santiago ang gumuho at nawalan ng kuryente sa ilang bahagi ng siyudad. Kinansela din ng dalawampu’t apat na oras ang mga paglipad sa kanilang internasyonal na paliparan.
    Ilang araw matapos ang pagyanig, nagdeklara ng curfew sa ilang bahagi ng bansa dahil na rin sa estado ng malaking kaguluhan at talamak na nakawan sa Chile. Pinagnanakawan ang mga supermarkets sa bansa.
    Ang naganap na tsunami ay umabot sa taas na walong talampakan sa Valparaiso, Chile. Nagbigay din ng babala sa limampu’t tatlong bansa na maaaring tamaan ng tsunami na bunsod ng pagyanig.
    Mga Isinagawang Pagtulong sa Mga Nasaalanta ng Kalamidad
    Bagaman at maraming nagdusa bunga ng mga mapaminsalang mga kalamidad, marami rin naman ang nakadama ng kaligayahan. Kaligayahang nagbuhat sa taos pusong pagtulong at pagdamay sa mga nasalanta, na kahit papaano ay nakapagbigay ng konting ginhawa at pag-asa sa mga taong naging biktima ng mga kalamidad na tumanggap ng konting biyaya.
    Maraming programa ang ipinalabas gaya ng Sagip Kapamilya. Mismong ang mga sikat na artista ang tumulong sa mga nasalanta.
    Sa pagharap nawa natin sa makabagong mundo, maging matibay sana an gating pananampalataya at paninindigan na maaari pang ituwid ang mga mali, na maaari pang maibalik ang mga dahong nalaglag sa sanga ng puno.


    At huwag din nating kaliilimutang magdasal sa ating Panginoon, dahil siya ang sandigan ng bawat isa sa mundo. Sana’y tayo’y pagpalain pa.Maligayang Pasko sa inyong lahat! 
    Huwag tayong mawawalan ng pag-asa, dahil May Bukas Pa.


    Pagpapalit sa mga Alalaalang Kay Sakit

               
                                                                           SF1

                Kalikasan. Tao. Panahon.

    Iyan ang mga bagay na may taglay na ‘di matinag na ugnayan sa bawat isa kahit na sa paglipas ng mahabang panahon. Walang makapipigil. Walang katapusan.

    Kinikilala ang ating bansa na isang pulo ng walang kapantay na yaman. Ayon sa ating mga kapatid na kanlungan din ang kontinente ng Asya, ang para sana sa kanila ay atin na ring tinatamasa. Tagtuyot. Tag-ulan. Iyan lang ang maaari mong madama sa buong taon. Sa kabila ng lahat ng kagandahang nabanggit, may panganib ditong nakakabit. Lindol. Baha. Landslide. Ilan lang iyan sa mga katagang may hatid na mga mapapait na alaala sa nakaraan.

    Bawat panahon na nagdaraan, mga sakuna’y wala na yatang katapusan. Bawat taon, lima sa dalawampu’t dalawang mapaminsalang bagyo ang sa puso nati’y bumabaon.  Tuwing ika-anim na taon, mga malalakas na lindol ang sa ating mga pangarap ay namumutol.  Kung iyong maalala, ilang bulkan na rin ang dahilan ng sanlibong kasawian.  Ang Pinatubo ng Zambales, tahimik ngunit nang nagngalit, lahat ay hindi nakakapit kaya kamatayan ang sinapit. Kung inyo ring matatandaan, pati Visayas, sa Ormoc, ilan ang nawalan ng tirahan dahil rin sa kawalan ng kahandaan at kamalayan. Paulit-ulit na lang ba ang ating masasapit? Kailan sa ating mga isip mawawaglit ang mga alaalang kay sakit?
     
    Sa aking malaya at musmos na isipan, saksi ang ating mga mata sa ganitong mga larawan. Kabataan. Mamamahayag. Mamamayan. Lahat sa mga katauhang iyan ako ay may pananagutan. Bilang isang kabataan, tungkulin ko na makiisa sa mga gawaing pampamayanan sa pagliligtas ng kalikasan. Bilang isang mamamayan, isa akong kakampi sa pagsasagawa ng pananagutan. Higit sa lahat, pinakamabigat ang aking katungkulan, isang batang mamahayag.

    Nakapaloob sa Artikulo 19 ng Universal Declaration of Human Rights ang aking karapatan. Magbigay. Humanap. Tumanggap. Iyan ang aking karapatan sa bawat impormasyon. Mata. Isip. Pluma. Puso. Iyan ang mga bagay na kadikit na ng aking buhay. Ang aking matatalas na mata upang ang madla ay makakita. Ang aking isip upang ang mga nagaganap ay malirip. Ang  pluma ang aking tinig upang ang katotohanan ang siyang manaig. Ang puso ang aking pantukoy sa bawat pangyayari na bumubugso.

    Katatapos lamang, hagupit ni Juan ang ating natikman. Dahil sa kagalakan, ayon kay P-Noy, naipakita na raw ang lubos na kahandaan dahil ang alaala ni Ondoy ay ayaw nang balikan. Sa kabila nito, batikos pa rin ang kanyang inabutan. Sa ganitong kaganapan, pamamahayag ang matibay na sandigan. Dahil rito, kahit isang batang mamamahayag, mabigat na rin ang pinapasan.
     
    Sa bawat sakuna, hindi maaaring hindi ako mapilitang gamitin ang mga taglay kong sandata. Anuman ang suungin, dapat ang lahat ng makakaya ay gawin. Tips. Impormasyon. Datos. Pahayag. Iyan ang sa mga tao ay ihandog. Sa bawat titik na iuukit, katotohanan lang ang nasasambit. Sa bawat babala, pagbibigay ng impormasyon ang inaabala. Sa pagpatak ng ulan, mga tao ay mahigpit na  pinaalalahanan. Hindi na sila hiihikayat na magpatuloy sa pupuntahan. Higit sa lahat, pagbibigay ng tamang datos ang aking pinahahalagahan.Ilan lang iyan sa mga gawaing aking pinag-uukulan. Hindi man sa mga kilalang pahayagan mailalathala ang aking mga gawain, nais nitong makisa sa malaking hakbangin.

    Sa isang mamahayag, hindi ko man kayang baguhin ang mga kaganapan. Ang mga masasamang dulot nito ang aking dapat antabayanan. Dapat ay maging kaagapay ko kahit na taglay nila ang 'di matinag na ugnayan. Ang kalikasan ang aking dapat maunawaan. Ang mga tao ang aking pangalagaan at paglingkuran. Ang panahon ang aking babantayan at pag-aaralan. Sa sakuna, isang batang mamamahayag ang maaasahan at mapagkakatiwalaan sa tuwina. Sa aming pagkakapit-kapit, mga alaalang kay pait ay maaari nang maiwaglit.



    Ang Kapangyarihan ng Aming Tinta

    SF3


    Bagyo. Lindol. Pagsabog ng bulkan.  Tatlo lamang iyan sa napakadaming mga kalamidad na tumama sa Pilipinas ngayong taon at noong mga nakaraan pa. Nangunguna sa listahan ang bagyong Ondoy noong Oktubre 2009 na tumapos ng higit kumulang na 464 na buhay ng mga Pilipino. Hindi lamang ang Pilipinas ngunit ang buong mundo ay patuloy na dumadanas ng mga kalamidad. Halimbawa na ang lindol sa Haiti na kumitil ng higit-kumulang 230,000 katao. Tanungin mo ang sarili mo: Bilang mga mamamahayag, ano nga ba ang ating katungkulan upang makatulong sa paghahanda sa mga dadating pang mga kalamidad?


    Ang mga armas
    Sa pagiging mga manunulat natin nailalabas ang hindi lamang ang ating sariling opinyon at saloobin ngunit pati na rin ang boses ng sambayanan. Ngunit sa panahong ito, pagtulong sa ating mga mambabasa ang ating layunin. Gamit ang mga papel at panulat, paniguradong ang mga manunulat ay makatutulong  sa paghahanda sa mga parating na sakuna.

    Ang Pagtulong
    Ang ating trabaho bilang mga manunulat ay walang iba kundi ipaalam sa ating mga mambabasa ang kailangang gawin sa oras ng kalamidad. Tungkulin din nating tulungan at turuan silang kung paano maghanda sa mga bagay na hindi natin alam kung kailan dadating. Ang  paggawa ng artikulo na makapgbibigay ng datos sa mambabasa kung paano maging handa sa panahon ng sakuna ay malaki ng pagtulong sakanila.

    Ang Papel na dapat Gampanan

    Sa panahon ngayon na hindi natin alam kung kalian dadating ang mga kalamidad na hindi natin inaasahan, nararapat na tayo ay magtulungan tungo sa kaligtasan. Bawat isa sa atin ay may sari-sariling papel na kailangang gampanan. At bilang mga manunulat o mamamahayag, katungkulan nating tumulong sa paraang alam natin: ang pagsulat. Armado ng ating panulat, papel at pusong mga handang tumulong, siguradong bawat patak ng tinta ng ating panulat ay may magagawang pagbabago.

    Ikaw, naniniwala ka ba sa kapangyarihan ng iyong tinta?



    Ang mga larawan ay mula sa:

    Pluma't papel: SANDATA laban sa mga SAKUNA

                                                                                                                                                        SF7
             Pluma. 
          Papel.

    ‘Yan ang mga sandata na ginagamit ng isang tulad ko na mamamahayag. Sa pamamagitan ng mga ito, naipapahayag ko ang aking mga damdamin tungkol sa mga bagay-bagay sa paligid. Ibat’ibang penomena ang nangyayari sa ating komunidad ang aking nasaksihan at patuloy   na nakikita ng aking dalawang mata. Masakit man isipin ngunit ako’y isang mamamahayag lamang na ang tanging katungkulan ay magbahagi ng impormasyon , magpahayag ng mga pangyayari sa ating lipunang kinabibilangan; at higit sa lahat ay buksan ang isipan ng bawat Pilipino upang maging responsable at maging handa sa lahat ng oras.

                
         Bahagi na ng ating buhay ang mga kalamidad na masasabing natural at hindi natin maaaring takasan. Ang mga ito ay maaring bagyo, lindol, baha at iba pa na lubhang nakakaapekto sa bawat isa sa atin. Ito’y isang masamang pangyayari na walang espesipikong panahon, hindi inaasahan. (Kaya ang bilin ng BSP, laging maging HANDA!)

            
        KALAMIDAD. Isang salitang kumikitil sa buhay na bigay ng Diyos na Maykapal. Ang magagawa lamang natin ay maging HANDA sa lahat ng panahon upang maiwasan ang mga masamang epektong dala nito sa ating buhay. KAHANDAAN naman ay ang pagiging handa sa maaaring mangyari sa ating buhay upang maiwasan ang mga negatibong epekto na bitbit-bitbit ng mga kalamidad.
                       
        Nanatili pa rin ang sugat sa ating mga puso tuwing ibabalik ang pangyayari noong taong 2009. Parang isang bangungot ang Bagyong ito sa ating mga Pilipino kung saan umabot  sa dalawang daan at apatnapu na katao ang nasawi bunsod sa pinsalang dala ng bagyong Ondoy, ayon sa huling tala ng National Disaster Coordinating Council (NDCC). Kalahati ng mga ito ay nagmula sa Metro Manila at ang nalalabi ay sa mga probinsya sa Rehiyon IV-A 
    (Timog Katagalugan) kabilang ang Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.

       
        Unti-unting nabubuwis ang buhay ng mga tao dito sa ating mundong ibabaw dahil sa kawalan ng kahandaan sa mga kalamidad na pumapasok sa ating bansa. Sa pagiging pabaya ng bawat isa sa atin, maraming buhay ang nasayang at mga ari-arian na nasira at nawala ng parang bula.    
           



        Marahil ay kasalanan nating lahat ito. Hindi naman natin mapipigil ang pagdating ng mga bagyo, ang pagsugod ng mga mala-along baha, mga lupang nagsisiguho, mga malalakas at mala-ipu-ipong hangin  na nakakatangay ng mga kabahayan, nakakapagbagsak ng mga puno. “Ang buhay ay weather –weather lang”, ika nga ni Kuya Kim ng Matanglawin. Ang ating  buhay ay isang regalo mula sa Dakilang Lumikha na dapat ay gamitin nang wasto at wag sayangin. Ang mga sakuna ay parte na rin nito na siyang bumubukas ng ating mga natutulog na kaisipan kung saan natututo at nagsisisi ang bawat isa sa mga pangyayaring ito. (ooopppsss.... dumadrama na naman itech...ipakita mo naman ang iyong pamatay sa puting ngipin na bumubonggang bonnga to the highest within the maximun level!)

        AKO MISMO!  (oo...ikaw MISMO!) ‘Yan ang dapat na nasa puso at isipan ng bawat isa. Ako mismo na maghahatid ng kaalaman at mga kasalukuyang pangyayari, magbubukas ng kamalayan ng bawat Pilipino, magbibigay at magbabahagi ng mga pangyayari sa tulong ng pluma at papel na ginagamit sa paggawa ng mga artikulo na inilalathala at inililimbag sa mga pampaaralang pahayagan. Ito ang tungkulin ng bawat campus journalist. (ohh..ikaw?? Ikaw ba mismo?!!)


        Si Dr. Jose Rizal ay gumamit ng pluma’t papel sa pagsulat sa pahayagan na lubos na nakatulong sa pagpapalaganap ng kamalayan ng bawat Pilipino laban sa pagmamalupit ng mga Espanyol. Ginamit niya ang mapayapang paraan. Ako, bilang isang mamahayag, ay kikilos sa pagpapalaganap ng kaalaman upang maging handa tayo sa pagharap sa mga sakuna at kalamidad. Kasama ko ang aking PLUMA pati ang PAPEL sa paghahanda laban sa mga sakuna. Oh ano??? Handa ka na ba?? Tara na!!! Its......................Sulatan ng Artikulo taym....